Handa si Senator Risa Hontiveros sa plano ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na magdaos sa Socorro, Surigao del Norte ng susunod na pagdinig tungkol sa mga isyu ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI).
Ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, at Gender Equality na pinamumunuan ni Hontiveros, at ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan naman ni Dela Rosa ang nangunguna sa pagbusisi sa mga reklamo ng pagpapasok ng iligal na droga sa Sitio Kapihan gayundin ang forced marriage, forced labor at iba pang pang-aabuso sa mga menor de edad at mga nakatatandang miyembro ng umano’y kulto.
Ayon kay Hontiveros, bukas siya magsagawa ng pagdinig kung saan naisin ni Sen. dela Rosa.
Magkagayunman, may isyu sa timing ng pagpunta doon dahil palapit na ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Iginiit ni Hontiveros na mahalagang matiyak at maisaayos ang seguridad ng mga senador kung doon sa Socorro magsasagawa ng pagdinig lalo pa’t narinig mismo ng mga mambabatas sa National Bureau of Investigation (NBI) na hindi sila basta makapagpadala ng agent sa lugar dahil batid na armado ang SBSI at kayang lumaban ng mga ito.
Samantala, kinokonsulta pa ni Dela Rosa ang mga kasamahang senador kung payag na doon sa lugar ng SBSI idaos ang ikalawang pagdinig ng Senado.
Katwiran ni Dela Rosa, kung siya lamang ay mas gusto niyang sa Socorro magsagawa ng imbestigasyon para kakaunti lamang silang mga mambabatas na babiyahe doon imbes na ang mga taga- SBSI pa ang dadayo sa Mataas na Kapulungan na tiyak na marami ang dadalo at mas malaki ang gastos.