Hihilingin na ni Senator Risa Hontiveros kay Senate President Juan Miguel Zubiri ang tuluyang pagpapaaresto kay Kingdom of Jesus Christ Leader Pastor Apollo Quiboloy.
Ito’y matapos na makapagsumite na ng kanilang tugon ang kampo ni Quiboloy sa show cause order na ipinadala ng Senado kung saan iginiit na hindi dadalo ang pastor dahil ang ongoing na imbestigasyon ay mayroong pagmamalabis sa limitasyon ng kapangyarihan ng mga senador gayundin ang pagpuna na sa resolusyon ay itinuturing na agad na may kasalanan o guilty na sa mga krimen si Quiboloy.
Giit ni Hontiveros, magpakita na lang si Quiboloy sa imbestigasyon ng Senado at huwag nang marami pang drama.
Paglilinaw ng Chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na makukulong lang si Quiboloy sa Senado dahil sa hindi nito pagdalo sa pagdinig at hindi dahil sa mga alegasyon ng krimen laban sa kanya.
Ipinunto pa ni Hontiveros ang ilang mga pina-contempt at pinaaresto ng Senado kahit pa may mga nakasampa ng kaso tulad ng rice smuggler na si Davidson Bangayan at ang paggamit ng contempt power ng Senado sa mga sangkot sa pagpaslang kay Horacio Castillo dahil sa hazing.
Minaliit din ni Hontiveros ang mga katwiran ng kampo ni Quiboloy dahil ang mga puntong ito ay inihayag na sa mga naunang pagdinig ng kanyang komite.