Hinamon ni Senator Risa Hontiveros si Finance Secretary Benjamin Diokno na mas busisiin ang confidential funds para sa mga pondong inilalagak sa mga ahensya sa halip na repasuhin ang Free Tertiary Education Act.
Giit ni Hontiveros, kung talagang nag-aalala at nais na tulungan ni Diokno ang pamahalaan na maiwasan ang pag-a-aksaya sa paggamit ng pondo ay mas dapat na silipin nito ang mga confidential funds sa mga ahensyang hindi naman dapat mabigyan nito.
Sinabi ng senadora, nakakahiya na mismong ang gobyerno pa ang umaatras sa constitutional duty nito na siguraduhing accessible ang edukasyon para sa lahat.
Aniya, ang pagiging mapili sa implementasyon ng universal access to quality tertiary education ay hindi makareresolba sa matagal na problema sa mataas na dropout rate sa bansa maliban na lamang kung tutugunan ng mga economic managers ang tumataas na gastusin sa edukasyon partikular sa pang-araw-araw na gastusin tulad ng pamasahe, pagkain, pambaon at iba pa.
Binigyang-diin pa ni Hontiveros na ang pagkakaloob ng trabaho at kabuhayan sa pamilya ng mga mag-aaral ang solusyon para mabawasan ang drop-out ng mga estudyante sa mga paaralan.
Punto ni Hontiveros, trabaho ng gobyerno na bigyan ng dagdag na suporta at ayuda ang mga mag-aaral na makumpleto at makapagtapos sa pag-aaral at matiyak na naibibigay sa mga ito ang kanilang day-to-day expenses.