Hinimok ni Senator Risa Hontiveros si Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) Chairman and CEO Alejandro Tengco na dumalo sa pagdinig ng Senado para isiwalat ang sinasabi nitong isang mataas na opisyal ng gobyerno na nag-ayos para mabigyan ng lisensya ang ilang mga iligal na POGO na sinalakay ng mga awtoridad at sangkot sa mga krimen.
Ayon kay Hontiveros, Chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, magpapatawag siya ng susunod na pagdinig at umaasang ikokonsidera ng PAGCOR chief na tamang forum ang Senado para ibunyag ang kanyang mga nalalaman.
Hiling ni Hontiveros na si Tengco mismo ang dumalo sa imbestigasyon at hindi na ang mga kinatawan sa PAGCOR.
Giit pa ni Hontiveros, sino man ang tinutukoy na dating cabinet official, iisa lamang ang katotohanan, ito ay ang ginagamit ang mga POGO para pagtakpan ang mga iligal na aktibidad ng mga scam hubs.
Dagdag pa ni Hontiveros, huwag na ibahin ng PAGCOR ang iligal na POGO sa ligal na POGO dahil ang buong industriya ang naging sanhi ng sangkatutak na krimen na nagpahamak sa mga kababaihan, kabataan at sa lipunan.