Umapela si Senator Risa Hontiveros kay Pangulong Bongbong Marcos na i-review ang national policy ng pamahalaan sa China.
Kasunod na rin ito ng patuloy na hindi pagkilala ng China sa Arbitral Tribunal na kumakatig sa sovereign rights ng Pilipinas sa West Philippine Sea at nagpapawalang-bisa sa nine-dash line claims ng China sa nasabing teritoryo.
Ayon kay Hontiveros, dahil sa patuloy na pagbalewala ng China sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands, dapat nang pagaralan ng Marcos administration ang pambansang polisiyang ipinapatupad sa China.
Hindi rin nagustuhan ng senadora ang inilabas na pahayag ng Chinese Embassy sa mismong araw ng anibersaryo ng bansa sa pagkapanalo sa arbitration court kung saan sinasabing ang ruling na pabor sa bansa ay “illegal, null and void” at ang US ang ‘mastermind’ sa pagpe-pressure sa China na tanggapin ang naturang desisyon.
Hinikayat ni Hontiveros ang Chinese Embassy na dahil nandito sila sa bansa ay magpakita naman ng respeto bago maglabas ng mga maaanghang na statements laban sa Pilipinas na itinaon pa sa araw na nagdiriwang ang mga Pilipino.
Ang ginawa aniya ng China ay tahasang pang-iinsulto na sa mga Pilipinong naninindigan sa ating karapatan.