![](https://i0.wp.com/rmn.ph/wp-content/uploads/2025/01/risa.jpg?resize=696%2C392&ssl=1)
Tiwala si Senator Risa Hontiveros na maipagpapatuloy ang pagtalakay at mailulusot sa plenaryo ang substitute bill na Senate Bill 1979 o ang Prevention of Adolescent Pregnancy Bill ngayong 19th Congress.
Ayon kay Hontiveros, ang pagtatakda ng schedule sa plenaryo para sa “period of interpellation” at “period of amendments” ng panukala ay depende sa prayoridad at sa political will ng Senado.
Giit ng senadora, wala namang pumipigil o humahadlang sa inihaing substitute bill ng kontrobersyal na panukala para maipagpatuloy ang deliberasyon at debate rito sa plenaryo.
Aniya, kung may mga senador na nais magpasok ng amyenda sa panukala ay maaari itong ihain sa mismong plenaryo at nananatili siyang bukas para tanggapin at ikunsidera ang iba pang amendments.
Sakali mang hindi maisalang ngayon at matapos na ang kampanya at eleksyon, iginiit ni Hontiveros na may matitira pang maikling sesyon sa 19th Congress sa Hunyo para magkapanahon sila na gawin ang nararapat sa mga Filipino adolescents.