Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Senado na agad talakayin sa pagbabalik sesyon ang kanyang inihain na resolusyon patungkol sa paghimok sa administrasyong Marcos na iakyat sa United Nations General Assembly (UNGA) ang patuloy na pambu-bully ng China sa ating teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Ang apela ng senadora sa Mataas na Kapulungan ay hinggil na rin sa pinakahuling insidente noong June 30 sa West Philippine Sea kung saan hinabol ng armada ng Chinese Coast Guard vessels at militia ang dalawang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos magsagawa ng resupply mission sa barko ng Philippine Navy.
Tinawag ni Hontiveros ang China na reckless at iresponsable dahil sa nasabing insidente.
Aniya, ang patuloy na pagtatangka ng China na iligal na sakupin ang ating teritoryo ay nagpapakita lamang ng kawalang respeto sa international law.
Ito aniya ang dahilan kaya mahalagang maiakyat na agad ng gobyerno ng Pilipinas ang isyu ng West Philippine Sea sa UN General Assembly para makakuha tayo ng suporta mula sa international community laban sa hindi maawat na panghihimasok at harassment ng China sa bansa.
Hiniling naman ni Hontiveros sa ating Defense Department ang patuloy na paghahanap ng alternatibong paraan para ma-resupply ang ating mga tropa sa Ayungin Shoal upang maprotektahan din ang mga ito sa pangha-harass at panghaharang ng mga Chinese.