Sen. Hontiveros: Pag-iisyu ng immigration ng work visa sa mga pekeng korporasyon para makapagtrabaho at makapasok sa bansa ang mga dayuhan, banta sa seguridad ng bansa

Nababahala si Senator Risa Hontiveros na isang banta sa pambansang seguridad ang napaulat na pagiisyu ng Bureau of Immigration ng libu-libong pre-arranged work visa sa mga pekeng korporasyon para makapasok at makapagtrabaho sa bansa ang mga dayuhan.

Kaugnay ito sa iniutos ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na siyasatin ng DOJ ang napaulat na pagiisyu ng BI ng employment visa o 9G visa sa mga fake corporation para makapagtrabaho ang mga dayuhan sa mga lokal na kompanya.

Giit ni Hontiveros, ang ginawa ng BI ay isang national security risk dahil posibleng hindi lang natin nalalaman na sindikato o kriminal na pala ang mga nakakapasok sa bansa.


Aniya pa, may mga impormasyon din siyang natanggap na ang iniisyung work visa ang siyang ginagamit ng mga dayuhan para magtrabaho sa POGO o sa Philippine Offshore Gaming Operators.

Dahil dito, tiniyak ng senadora na kasama ito sa mga sisiyasatin sa mga susunod na pagdinig.

Samantala, welcome naman para kay Hontiveros ang naging hakbang ng DOJ na paimbestigahan ang pagbibigay ng BI ng work visa sa mga pekeng kumpanya upang matigil na ang mga iligal na gawain na nangyayari sa ahensya.

Facebook Comments