Sen. Hontiveros, pinaghahanda si DA Usec. Domingo Panganiban kaugnay sa mga kasong posibleng kaharapin dahil sa sugar importation

Nagbabala si Senator Risa Hontiveros kay Agriculture Usec. Domingo Panganiban na posibleng maharap ito sa kaso kasunod ng pag-amin ng opisyal na nagkamali siya ng interpretasyon sa memorandum mula sa opisina ng Executive Secretary patungkol sa importasyon ng asukal.

Ayon kay Hontiveros, dapat paghandaan ni Panganiban ang posibleng pagharap sa mga kasong administratibo at kriminal matapos aminin na minadali niya ang desisyon nang utusan niya ang tatlong kompanya na agad mag-import ng asukal.

Maliban dito, ‘memo’ lang na mula sa Office of the Executive Secretary ang kanilang pinagbatayan para sa importasyon ng asukal at hindi sugar order na magmumula dapat sa Sugar Regulatory Administration (SRA).


Paalala ni Hontiveros, tanging ang SRA lang ang may kapangyarihang maglabas ng permits at licenses tulad ng sugar orders para sa importasyon ng asukal at hindi si Panganiban at lalong hindi ang Department of Agriculture (DA).

Samantala, sinabi naman ni Hontiveros na kung valid at hindi cartel ang makikinabang sa importasyon ng 440,000 metriko toneladang asukal sa ilalim ng Sugar Order No. 6, maibaba nito ang presyo ng asukal sa merkado sa P60 kada kilo.

Malaking tulong aniya ito hindi lang sa mga mamimili kundi sa mga negosyo ng mga maliliit na tindahan, karinderya, restaurants hanggang sa malalaking food manufacturer.

Facebook Comments