Sen. Hontiveros, umaasang maninindigan ang mga senador sa mosyong ipa-cite in contempt at paharapin si Pastor Apollo Quiboloy sa Senado

Umaasa si Senator Risa Hontiveros na maninindigan ang mga kasamahang senador sa Senate Committee on Women patungkol sa mosyon na ipa-cite in contempt at maipaaresto si Pastor Apollo Quiboloy na leader ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Bukas malalaman kung matutuloy o hindi ang pagpapa-cite in contempt ni Hontiveros kay Quiboloy dahil bukas din ang ikapitong araw na ibinigay na palugit kay Senator Robin Padilla para makakuha ng walong lagda upang baligtarin at harangin ang pagpapaaresto sa pastor.

Ayon kay Hontiveros, umaasa siya na hindi man lahat pero karamihan sana ng myembro ng Senate Committee on Women ay maninindigan para sa kapakanan ng mga victim-survivors ng mga pang-aabuso ni Quiboloy.


Sa ngayon ay apat na mga senador pa lang ang napabalitang lumagda sa objection letter sa pangunguna ni Padilla kasama sina Senators Cynthia Villar, Imee Marcos, at Bong Go.

Nauna rito ay nanawagan din si Hontiveros sa mga kasamahang senador na pakinggan ang mga naging karanasan ng mga victim-survivors ni Quiboloy sa pag-asang pag napanood at napakinggan ito ng mga kapwa mambabatas ay maninindigan sila para sa katarungan ng mga biktima.

Facebook Comments