
Isinumite na sa Office of the Ombudsman ang chairman’s report ng Senate Committee on Foreign Relations kaugnay sa imbestigasyon sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Personal na nagtungo sa Ombudsman si Sen. Imee Marcos, pinuno ng komite, ngayong hapon
Ayon sa mambabatas, kasama sa isinumite kay Ombudsman Samuel Martires ang kopya ng transcript ng tatlong pagdinig na ginawa ng komite.
Pinaiimbestigahan ng senadora sa Ombudsman ang ilang miyembro ng gabinete at Philippine National Police ukol sa pag-aresto ng Interpol kay Duterte, batay sa warrant of arrest ng International Criminal Court o ICC.
Inirekomenda rin ang pagsasampa ng reklamong kriminal at administratibo kina Department of the Interior and Local Government o DILG Sec. Jonvic Remulla, Department of Justice o DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla, PNP Chief Rommel Marbil, PNP-CIDG Chief Nicolas Torre at Special Envoy Markus Lacanilao.
Umaasa ang senador na magagawa ng Ombudsman ang patas na pagsisiyasat.









