Sen. Imee Marcos, dedma sa alegasyon ng mga kongresista

Dedma ang naging tugon ni Senator Imee Marcos sa alegasyon ng ilang mga kongresista na niyurakan niya ang imahe ng Kamara matapos na imungkahi sa kanyang “explanation of vote” sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte na palitan na lamang si House Speaker Martin Romualdez.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Sen. Marcos na ang pahayag niya sa Speaker ay hindi lihis sa usapin ng impeachment dahil ito aniya ang talagang ugat ng lahat ng mga nangyayaring gulo sa politika at ito ay dahil umano sa ambisyon ng isang “dambuhalang sanggol” na ang pinatutungkulan ay si Romualdez.

Iginiit ni Sen. Marcos, wala siyang niyuyurakan at suhestyon lang naman ang kanyang sinabing palitan na ito kaya huwag aniya sanang magalit ang mga kongresista.

Sinabi ng senadora na noong araw ng SONA ay matindi ang ugong na palitan ang Speaker ng Kamara at maraming nakaabang dito subalit hindi naman dumating ang basbas na hindi naman tinukoy ng mambabatas kung sino.

Binigyang-diin pa ni Sen. Marcos na hindi naman bawal ang kanyang pahayag at nagsasabi lamang siya ng totoo at wala rin naman siyang minura.

Pabiro pang sinabi ng senadora na marami siyang apelyido ngayon pwera lang muna sa Romualdez kaya humihingi siya ng paumanhin sa kanyang ina.

Facebook Comments