
Dedma si Senator Imee Marcos tungkol sa mga naging pahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro kaugnay ng isinagawa niyang imbestigasyon sa naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Naunang sinabi ni Castro na puro lamang supporters ni Duterte ang kinausap ni Sen. Marcos kaya pinaniniwalaan ng mambabatas na mayroong mahahalagang itinatago ang pamahalaan patungkol sa naging pagdakip ng International Criminal Court o ICC sa dating pangulo.
Ayaw na lamang patulan o gatungan pa ni Sen. Marcos ang pahayag na ito ni Castro at para sa kanya ang pagpatol ay likas sa tao pero ang pandededma ay maituturing na “divine” o pagpapakabanal.
Kaya naman, mas pipiliin ng senadora na magpaka-divine sa halip na patulan pa ang patutsada sa kanya ng usec.
Naunang sinabi rin ni Sen. Marcos na mukhang nagalit din sa kanya ang kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos matapos na mabunyag sa kanyang pagdinig ang hindi nagtutugmang pahayag ng resource persons na ikinasira ng imahe ng pamahalaan.