Sen. Imee Marcos, DMW, at OWWA, tiniyak ang pagtutok sa kaso ng Pinay OFW na brutal na pinaslang sa Kuwait

Dumalaw at nakiramay si Senator Imee Marcos sa pamilya ni Jullebee Ranara, ang Filipina Overseas Filipino Workers (OFW) na brutal na pinatay sa Kuwait.

Kasama ni Sen. Marcos sa pakikiramay sa pamilya sina Migrant Workers Usec. Hans Leo Cacdac at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio.

Kasabay nito ang pagbibigay katiyakan ng mga opisyal ng pamahalaan na tututukan ng husto ang kaso ni Ranara.


Ayon kay Cacdac, bukod sa kapakanan ng pamilyang naiwan ng biktima ay inatasan siya ni Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople na bantayan ang kaso ng kababayan sa Kuwait hanggang sa makamtan ang hustisya.

Tiniyak naman ni Ignacio na hindi magpapabaya ang OWWA sa tuluy-tuloy na pagbibigay ng tulong sa pamilyang naiwan ni Ranara.

Samantala, nagbabala naman si Sen. Marcos sa mga kababayan na maghinay-hinay sa balak na pag-alis sa bansa at sa pagtatrabaho sa abroad dahil sa naglipanang panloloko sa mga Pilipino.

Sinabi ng senadora na muntik na ring mabiktima ang kapatid ni Jullebee ng online crypto currency scam na buti na lamang ay naagapan nila ang balak nito na pag-alis sa bansa.

Facebook Comments