Wala pa sa “mood” si Senator Imee Marcos na makipag-usap sa kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., tungkol sa nalalapit na 2025 elections.
Ito’y kahit pa lumagda na sa isang alyansa para sa 2025 midterm elections ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ni PBBM at ang Nacionalista Party kung saan naman sa kaniyang pagkakaalam ay dito siya tatakbo sa pagkasenador.
Ayon kay Sen. Marcos, hindi pa sila naguusap ng pangulo dahil marami pa siyang pinagkakaabalahan sa kasalukuyan.
Aniya, magulo pa sa lalawigan nila sa Ilocos dahil hindi pa malaman kung sino ang tatakbo doon sa lokal at katatapos lamang salantain ng bagyo ang bansa.
Abala aniya siya ngayon Cavite kung saan matapos malubog sa baha, mayroong halos 1,000 pamilya na apektado ng nangyaring sunog, at ngayon ay humaharap naman sa problema ng oil spill mula sa lumubog na MT Terranova ang mga residente doon.