Hindi pa rin lumalagda sa bicameral committee report ng 2025 national budget si Senator Imee Marcos.
Ayon kay Sen. Marcos, tinitiyak niya sa taumbayan na hindi siya kailanman pipirma sa anumang papel hinggil sa bicam report na nagsusulong na bawasan ang pondo ng mga lehitimong proyekto.
Partikular na tinukoy dito ng mambabatas ang ₱50 bilyon na tinanggal sa ilalim ng 4Ps program kung saan ang 4.4 million na pamilyang Pilipino na kabilang sa “poorest of the poor” ay wala nang matatanggap na ayuda o tulong mula sa pamahalaan.
Sinabi pa ni Sen. Marcos na nagkagulatan na lamang sa mga tinapyas na pondo sa pambansang budget at wala silang alam sa mga inilatag na amyenda sa panukala tulad sa Department of Education (DepEd) na kinaltasan ng ₱12 bilyon, sa Commission on Higher Education na kinaltasan ng ₱30 bilyon, zero budget sa PhilHealth, at iba pang mahahalagang ahensya.
Nanawagan naman ang senadora sa kapatid na si Pangulong Marcos na utusan ang Kongreso na ibalik sa bicam ang budget at suriing maigi bago ito lagdaan.
Dagdag pa ng Presidential sister, walang problema kung ibalik sa bicam ang budget at magtrabaho sila kahit Pasko dahil ang mga mahihirap na kababayan nga ay hindi nagagawang magdiwang nito at ano ba naman kung magtrabaho sila sa araw ng Pasko.