Umaapela si Senator Imee Marcos na ideklara ang ‘state of emergency’ sa buong lalawigan ng Negros Oriental.
Kasunod na rin ito ng brutal na pagpaslang sa gobernador ng Negros Oriental na si Governor Roel Degamo na gumulantang sa mga mamamayan ng probinsya at sa mga lokal na pamahalaang opisyal nitong Sabado.
Nanawagan si Sen. Marcos na mapasailalim sa ‘state of emergency’ ang buong lalawigan habang tinutugis ang mga kriminal na nasa likod ng pamamaslang sa gobernador at sa iba pang nadamay na sibilyan.
Iginiit ni Sen. Marcos na hindi lamang hitman o iyong mga pumatay ang tugisin kundi maging ang mga ‘paymasters’ at ang mga nagsabwatan para sa pagsasagawa ng krimen na ito.
Ito rin aniya ang nais ng buong probinsya na magdeklara ng ‘state of emergency’ sa kanilang lugar sa lalong madaling panahon.
Kahapon ng umaga ay personal na dumalaw si Sen. Marcos para magpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng kanyang nasawing kaibigan.
Pinabibilisan din ng mambabatas sa mga awtoridad ang pagresolba sa krimen at paghuli sa mga nasa likod ng pagpatay sa lokal na opisyal at nanawagan din ito na huwag hayaang maging hadlang ang krimen na ito sa kapayapaan ng bansa na nagsisimula pa lamang bumangon mula sa epekto ng pandemya.