Iginiit ni Senator Imee Marcos na dapat munang magkaroon ng isang legal framework sa pamamagitan lehislasyon bago isulong ang People’s Initiative (P.I.) sa pag-amyenda ng Konstitusyon.
Tinukoy ng senadora ang kawalan ng batas na sumasaklaw sa People’s Initiative partikular ang ruling ng Korte Suprema sa Santiago case kung saan malinaw na nakasaad dito na wala pang batas para sa P.I.
Hinikayat ni Sen. Marcos ang Senado na bumalangkas muna ng panukala para rito, maglatag ng malinaw na proseso, guidelines at safeguards at pagdebatehan hanggang sa maging ganap na batas at saka gawin sa tamang paraan ang People’s Initiative.
Aniya pa, kabisado na sa bansa ang constitutional convention (Con-con) at ang Constitutional Assembly (Con-ass) na dalawang paraan sa pagamyenda ng saligang batas pero sa buong kasaysayan ng bansa ay hindi pa natin nagagawa ang People’s Initiative.
Umaasa naman ang senadora na masasagot din ang isyung ito sa pagsisimula ng subcommittee sa deliberasyon sa Resolution of Both Houses No. 6 na layong amyendahan naman ang restrictive economic provisions ng 1987 Constitution.