Dinepensahan ni Senator Imee Marcos si dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga batikos na inabot patungkol sa naging pahayag ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na nagkaroon ng “gentleman’s agreement” si Duterte sa China na panatilihin ang status quo sa West Philippine Sea (WPS).
Pagtatanggol ni Senator Marcos, nagiging practical lamang noon ang dating pangulo dahil ayaw nito ng gulo.
Sinabi ng senadora na walang masama sa napagkasunduan dati ni PRRD at ng China dahil walang treason o pagtataksil sa bansa na nangyari at hindi rin ipinamigay ang teritoryo sa China.
Aniya, naging praktikal lang ang kasunduan noon na sinangayunan ng dalawang panig na hayaang magdala ng suplay ng pagkain at iba pang pangangailangan sa mga sundalong nagbabantay sa BRP Sierra Madre.
Ngayon aniya ay inilalagay na sa panganib ang buhay ng mga sundalo sa West Philippine Sea gayong hindi pa naman natin kayang ipagtanggol nang husto ang buhay ng mga sundalo, sibilyan at mga mangingisdang posibleng madamay sa gulo.
Isinisi pa ni Senator Marcos kina dating Pangulong Noynoy Aquino at dating Senator Antonio Trillanes IV ang pagbibigay ng tiwala sa mga Amerikano noong 2012 kung saan nabola aniya tayo sa pangako noon na tutulungan sa ating claim sa West Philippine Sea pero sa huli ay wala namang naging pagkilos ang Estados Unidos.