
Kinumpirma ni Senate President pro-tempore Ping Lacson na papalitan na si Senator Imee Marcos bilang Chairman ng Senate Committee on Foreign Relations.
Ayon kay Lacson, sa kanyang pagkakaalam ay ipinaalam na ni Senate Majority Leader Migz Zubiri kay Sen. Imee ang planong ito at sa susunod na linggo inaasahang mangyayari ang pagpapalit ng Committee Chairmanship.
Napipisil na papalit kay Sen. Marcos sa Foreign Relations Committee si Senator Erwin Tulfo.
Paliwanag naman ni Lacson sa naturang hakbang, tulad ng Blue Ribbon Committee (BRC) ay itinuturing na malaki at mahalagang komite ang Committee on Foreign Relations na karaniwang naka-reserba para sa majority bloc.
Gayunman, wala aniya siyang kinalaman sa desisyon na napagkasunduan sa majority caucus noong Lunes.
Bilang pagpapakita ng pakikisama, handa naman si Senator Kiko Pangilinan na ibigay kay Sen. Imee ang Chairmanship ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes and Laws at depende na lamang sa senadora kung tatanggapin ito o hindi.










