Hinamon ni Senator Imee Marcos ang mga kongresista na magpakatotoo sa kung ano talaga ang nais na isulong na pagamyenda sa Saligang Batas.
Ibinalik ng senadora ang hamon sa Kamara matapos na i-challenge ni House Majority Leader Mannix Dalipe na aminin na ng Senado kung ano ang kanilang tunay na posisyon sa Charter change (Cha-cha).
Payo ni Sen. Marcos sa Kamara, magpakatotoo na ang mga kongresista sa kanilang tunay na intensyon sa pag-amyenda sa Konstitusyon at ipagtapat kung ang talagang nais ay palitan ang sistema ng gobyerno.
Sinabi ni Sen. Marcos na alam naman na ang pakay ng Kamara ay amyenda sa political provision para palawigin ang termino ng mga kongresista.
Duda at hindi makapaniwala kasi ang senadora na bubuklatin ang saligang batas para lamang sa advertising industry na wala namang problema habang sa edukasyon naman ay matagal nang nagsipasukan ang mga dayuhan.