Kinumpirma ni Senator Imee Marcos na nag-withdraw talaga siya sa administration slate ng kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos para sa mga tatakbo sa 2025 midterm election.
Pero paglilinaw ng presidential sister, kumalas lamang siya sa administration slate ng Pangulo pero tatakbo pa rin siyang senador.
Inamin ni Sen. Marcos na ikinunsidera niya sa desisyong ito ang kanyang sitwasyon kung saan kilala rin siyang malapit na kaibigan ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ng senadora na pinipili niyang maging independent na lamang sa darating na halalan dahil ayaw niyang pumanig sa isang partido, sa isang sektor o kahit sa sinumang personalidad at para sa kanya kakampi lamang siya sa sambayanang Pilipino.
Sa ganitong paraan din aniya ay malaya niyang makakausap ang lahat ng partido at mas nais niyang magsilbing tangway para magtagpo at magkausap ang mga partido o mga myembro na hindi nagkakasundo.
Dagdag pa ni Sen. Marcos, ayaw niya ring malagay sa alanganin ang kanyang kapatid at makasakit pa ng mga kaibigan kaya minabuti na lamang niyang tumayo at magikot mag-isa kahit na mahirap.