Nagbitiw na ng kanyang salita si Senator Imee Marcos kaugnay sa nangyayaring iringan at isyu ng destabilisasyon sa liderato ng Kamara.
Matatandaang sa sesyon sa plenaryo ng mababang kapulungan ng Kongreso noong Lunes ay dumipensa si Speaker Martin Romualdez laban sa mga nagbabanta sa Kamara at dito ay tinukoy rin si dating Pangulong Rodrigo Duterte na siya umanong sumisira sa reputasyon ng institusyon.
Tila pasaring sa house leadership ang pahayag ni Sen. Marcos kung saan iginiit niya na kabastusan sa iniwang aral ng Yolanda ang ginagawa ngayon ng mga pulitiko na pinagwawatak-watak sa bansa at paggamit sa mga isyu para sa pagpapapogi at pagpapalapad ng papel.
Kung ang Kamara ay tumalikod sa mainit na suportang ibinigay noon kay dating Pangulong Duterte, nanindigan naman si Sen. Marcos sa pagkakaibigan na nabuo sa kanila.
Aniya, hindi siya tatahimik sa mga pagtataksil at pambabastos sa taong nagbigay-galang sa kanyang ama noong pahintulutan ng dating Presidente na mailibing sa Libingan ng mga Bayani si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr.
Dagdag pa ng senadora, siya ang una at kaisa-isang gobernador noong 2015 na nagdeklara ng suporta kay dating Pangulong Duterte at kahit siya na lang ang nag-iisang matira ay maninindigan siya para sa dating pangulo.