Nanawagan si Senator Imee Marcos sa kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos na huwag magpadala sa dikta ng America.
Kaugnay na rin ito sa pagkilos ni PBBM kung saan magpapatupad ang pangulo ng mga countermeasures laban sa panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.
Aminado si Senator Marcos na mistulang paghahanda sa giyera ang ginagawa ng administrasyon dahil masyado na aniya tayong nauudyukan ng mga kano.
Aniya, hindi dapat magpaudyok ang pamahalaan sa panggagamit na ginagawa ng Estados Unidos lalo’t batid naman na may pulitika sa likod nito lalo’t unti-unti ay humihina na ang US.
Sinabi pa ng senadora na kung sakaling may gulong mangyari ay hindi naman ang America ang bobombahin ng China at tiyak na hindi ito kakayanin ng bansa.
Mungkahi ni Senator Marcos, buksan palagi ang linya ng komunikasyon sa lahat ng antas sa pagitan ng Pilipinas at China.