
Pinatutsadahan ni Senator Imee Marcos si House Speaker Martin Romualdez habang nasa gitna ng kanyang pagboto para i-archive ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa pahayag ni Sen. Marcos, tinawag niyang dambuhalang sanggol ang speaker at ginawang bonjing ang impeachment dahil sa pangpagulo, panakot at ginawang sandata ng mga lulong sa kapangyarihan.
Suhestyon ng senadora sa mga kongresista, ang speaker na lang kaya ang palitan sa halip na atupagin na alisin sa posisyon ang opisyal na pinili ng taumbayan.
Sinabihan din niya ang mga mambabatas na huwag magpalaki ng buwaya na baby pa lang ang tawag ay lulong na.
Iginiit din ng mambabatas sa Kamara na igalang ang desisyon ng Korte Suprema sa impeachment case at huwag umastang mas mataas pa sa Supreme Court.
Samantala, habang nagpapaliwanag sa kanyang boto si Sen. Marcos, ilang mga guests sa session hall ang nag-thumbs down sa kanya na kinabibilangan ni Akbayan President Rafaela David at Tindig Pilipinas co-convenor Kiko Aquino Dee at apat na iba pa na agad namang ineskortan palabas ng OSAA.









