Sen. Imee Marcos, pinuna ang ICC sa patuloy na pandededma sa mga kaso ng ‘crimes against humanity’ na kinasangkutan ng mga kanluraning bansa

Sinita ni Senator Imee Marcos ang International Criminal Court (ICC) sa kabiguan nitong imbestigahan ang mga Western countries sa lantaran at hindi mabilang na ‘crimes against humanity”.

Ang reaksyon ng senadora ay kaugnay na rin sa hindi matigil na kagustuhan ng ICC na imbestigahan ang mga paglabag sa karapatang pantao mula sa ikinasang drug war noon ng dating Duterte administration.

Giit ni Marcos, ginagawang katatawanan ang ICC dahil napakaraming krimen ang kinasangkutan ng mga Kanluraning bansa na hindi naman nito magawang imbestigahan kung saan isa na rito ang digmaan sa Iraq noong 2003 na ang mga pasimuno ay mga Western countries.


Punto ng senadora, mahigit sa milyong inosenteng sibilyan at sundalong Iraqi ang napatay at nawalan ng tirahan na hindi man lang makita ng ICC.

Tanong ni Sen. Marcos kung namimili ba ang kanilang hustisya at mas pinagti-tripan aniya ng ICC ang mga bansa sa Africa at mga maliliit na bansa tulad ng Pilipinas.

Tinawag din ng mambabatas na pamperya ang paulit-ulit na paghahabla ng ICC sa mga lider ng mga hindi gaanong kauunlad na bansa na ang layunin ay ilihis ang pansin ng buong mundo sa mga krimeng nagawa ng mga kanluraning bansa.

Dagdag pa ni Marcos, kung hindi pa napapansin ay ginagamit lamang ng western countries ang mga isyu ng human rights para maisakatuparan ang kanilang mga kolonyal na political, economic, at military agenda.

Facebook Comments