Sen. Imee Marcos, sinagot ang paratang na hindi nakatanggap ng ayuda ang mga 4Ps beneficiaries dahil sa kanya

Sinagot na ni Senator Imee Marcos ang paratang ni Ako Bicol Party-list Representative Raul Angelo Bongalon na dahil sa senadora ay hindi nakatanggap ng ayuda ang nasa 800,000 mahihirap na pamilya noong nakaraang taon.

Batay sa akusasyon ng kongresista, inilipat ni Sen. Marcos ang ₱13 billion na cash grant para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa ibang social amelioration program.

Tugon ni Sen. Marcos para aniya sa mga kongresistang nalilito, nagkaroon nga ng paglilipat sa pondo sa ilang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ito ay nasa ₱8 bilyon at ₱5 bilyon o nasa kabuuang ₱13 bilyon.


Batay sa pagdinig ng Senado para sa 2023 budget ng ahensya, inamin mismo ng DSWD na 45% lang ng budget sa 4Ps ang hindi pa nagagamit at para maagapan na hindi ito maibalik sa National Treasury ay saka niya inirekomenda na i-realign o ilipat ang ₱8 bilyon sa ibang programa na mapapakinabangan pa rin ng mga mahihirap.

Hinati aniya ang pondo sa supplemental feeding program, Kalahi CIDSS, Quick Response Fund at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Ang bukod na ₱5 bilyon na nakaltas sa alokasyon ng AICS ay inirekomenda na ipasok sa 2023 national budget pero ito naman ay inalis nang umakyat na ang budget sa bicameral conference committee dahil walang pagkukunan na pondo.

Facebook Comments