Sen. Jinggoy Estrada, hinamon ang China na pangalanan na kung sino ang nagbitiw ng pangako sa kanila na alisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal

Hinamon ni Senator Jinggoy Estrada na pangalanan kung sino ang pangulo o aling administrasyon ang nagbitiw ng pangako na alisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Kaugnay na rin ito sa naging pahayag ng kolumnistang si Rigoberto Tiglao na dating tagapagsalita ng Arroyo administration, na si dating Pangulong Joseph Estrada umano ang nangako nito sa China.

Sinabi pa ng senador na hearsay o tsismis lang ang pinalalabas ng Chinese government na mayroong verbal na pangakong binitawan sa kanila tungkol dito.


Katunayan aniya, nakausap niya si dating Senator Orly Mercado na nagsilbing defense secretary noong panahon ng Estrada administration at kinumpirma nito na ang kanyang ama pa nga ang nag-utos na i-pirmi sa Ayungin Shoal ang BRP Sierra Madre para protektahan ang ating teritoryo lalo’t unti-unting nagtatayo na noon ng mga kongkretong imprastraktura sa West Philippine Sea ang China.

Pinasinungalingan at tinawag ni Estrada na illogical at imposible ang column ni Tiglao.

Sinabi ng mambabatas na kung talagang may pangakong ginawa ang dating pangulo sa China ay bakit hindi ito ipinatupad ng mga sumunod na administrasyon.

Dagdag pa ni Estrada, wala siyang ideya kung ano ang motibo ni Tiglao sa inilabas niya sa kanyang column.

Facebook Comments