
Mariing itinanggi ni Senator Jinggoy Estrada ang alegasyon ni dating Bulacan 1st District Assistant Engineer Brice Hernandez na tumanggap siya ng kickback mula sa mga flood control projects.
Sa pagdinig sa Kamara, pinangalanan ni Hernandez sina Estrada at Senator Joel Villanueva na naglabas ng P350 million at P600 million na pondo para sa flood control projects sa Bulacan ngayong 2025 at ang SOP o kickback umano nila ay nasa 30 percent ng naturang halaga.
Hinamon ni Estrada si Hernandez na pareho silang sumailalim sa lie detector test sa harap ng publiko upang malaman na kung sino sa kanilang dalawa ang nagsasabi ng totoo.
Iginiit pa ni Estrada na “talk is cheap” at nakahanda ang mambabatas na patunayang pawang kasinungalingan ang mga paratang laban sa kanya.
Matatandaang kahapon ay tinanong naman ni Estrada ang contractor na si Pacifico Discaya kung sa dinami-dami ng pangalan ng mga kongresistang nabanggit na sangkot sa ghost projects ay kung meron bang senador at ang sinagot naman dito ni Discaya ay wala.
Naging trending pa sa social media ang naging sagot ni Senator Rodante Marcoleta kay Estrada na “safe ka na”.









