
Sasampahan ng kaso ni Senator Jinggoy Estrada si dating Bulacan First District Asst. Engr. Brice Hernandez matapos paratangan ang senador na kumuha ng kickback mula sa mga flood control project sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon kay Estrada, kukunsulta siya sa kanyang mga abogado para sa kasong isasampa laban kay Hernandez.
Tahasang sinabi rin ng mambabatas na napakasinungaling na tao ni Hernandez at wala aniyang katotohanan ang pahayag nito sa pagdinig ng Kamara na mayroong ‘SOP’ na 30% kickback siya mula sa inilabas na P355 milllion na pondo para sa flood control projects.
Naniniwala si Estrada na ginagantihan siya ni Hernandez dahil siya ang nagpa-cite in contempt dito kahapon matapos na magsinungaling sa pagca-casino at paggamit ng fake identity para makapagsugal.
Pinabulaanan din ni Estrada na nag-endorso siya ng flood control budget para sa Bulacan dahil ito ay nakalatag na agad sa General Appropriations Act (GAA) at pwedeng ituro ito sa kahit sinong senador at kongresista.
Naunang hinamon ng mambabatas si Hernandez na sabay silang sumailalim sa “lie detector test” sa harap ng publiko para patunayan kung sino sa kanilang dalawa ang nagsasabi ng katotohanan.









