Sen. Jinggoy Estrada, malaki pa rin ang tiwala sa justice system ng bansa

Umaasa si Senator Jinggoy Estrada na papanig sa kanya ang hustisya matapos na mahatulan kaninang umaga sa Sandiganbayan ng ‘not guilty’ para sa kasong plunder kaugnay sa multi-billion peso pork barrel scam noong 2013 habang ‘guilty’ naman ang ibinabang hatol sa mga kaso nitong direct at indirect bribery.

Ayon kay Estrada, tiwala pa rin siya sa justice system ng bansa na kahit inabot ng ilang taon bago ang makapagbaba ng desisyon ang Sandiganbayan ay napawalang-sala rin siya sa kasong plunder.

Magkagayunman, sa mga kaso na guilty ang senador ay sinabi niyang gagawin ng kanyang mga abogado ang lahat ng legal na remedyo na maaari pang magawa para mabaligtad ang hatol.


Aniya, maaari pa rin naman itong iapela at kanyang aatasan ang legal team na maghain ng motion for reconsideration sa Sandiganbayan.

Samantala, hinimok naman ni Senator JV Ejercito ang lahat na igalang ang naging desisyon ng Sandiganbayan sa mga kaso ng kanyang kapatid na si Estrada.

Tiwala ito na gagawin ng kanyang kapatid ang lahat ng legal options para tuluyan itong mapawalang-sala at patuloy aniyang pinagdarasal si Sen. Jinggoy at ang pamilya nito.

Facebook Comments