Sen. Jinggoy Estrada, nagpaalala sa mga kapwa mambabatas na akuin ang responsibilidad sa mga binibitawang salita at kilos

Nagpaalala si Senator Jinggoy Estrada sa mga kasamahang senador na akuin ang responsibilidad sa kanilang mga nasasabi at kinikilos.

Ang paalala ay bunsod na rin ng pagpuna ni dating Senate President Franklin Drilon na tila nawalan na ng “decorum” o tamang asal at pagkilos ang ilang mga senador sa mga pagdinig sa komite at maging sa plenaryo.

Ayon kay Estrada, bilang dati rin siyang nagsilbi na Senate President pro tempore sa loob ng anim na taon mula 2007 hanggang 2013, kinikilala niya ang kahalagahan ng pagpapanatili ng professionalism at paggalang sa kanilang kinabibilangang institusyon.


Aniya, ang bawat mambabatas ay dapat na akuin ang responsibilidad sa kanilang mga salita at aksyon kasabay ng pagkunsidera sa impact o magiging epekto nito sa reputasyon ng Senado at sa tiwala ng publiko.

Payo pa ni Estrada sa mga kasamang mambabatas na mas dapat silang magsumikap na maging modelo ng professionalism at maging magandang halimbawa sa mga kapwa senador at sa mga future legislators.

Matatandaang nagbigay rin ng reaksyon tungkol sa isyu ng decorum si Senator Robinhood Padilla kung saan kanyang inihayag na ang pagiging “honorable looking” ay hindi sukatan ng isang pagiging mabuting senador.

Facebook Comments