
Nilinaw ni Senator Joel Villanueva ang larawang kumakalat kung saan kasama niya si dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara na nakasakay sa bangka.
Matatandaang si Alcantara ay idinadawit sa talamak na katiwalian sa flood control projects sa lalawigan ng Bulacan.
Paglilinaw ni Villanueva, ang viral picture ay isang official event.
Makikita rin ang larawan sa Instagram account ni Villanueva at may petsang November 24, 2021.
Sa caption sa litrato, sinabi ni Villanueva na sa special day na iyon ni Mayor Joni, na kapatid niyang yumao, tuloy-tuloy ang kanilang paglilingkod sa Bocaue.
Paglilinaw pa ni Villanueva, bilang si Alcantara ang District Engineer noong panahon na iyon ay kasama nila ito na nag-inspeksyon, bumisita at pinasinayaan ang tatlong pumping stations sa bahagi ng Bocaue River at ang matatapos na iconic bridge ng Bocaue.
Sa pagdinig ng Kamara, inakusahan ni dating Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez sina Senators Villanueva at Jinggoy Estrada ng pagtanggap ng kickback mula sa flood control projects at pinakita ang mga larawang kasama si Alcantara.









