
Hindi lamang isa kundi tatlong reklamo ang kinakaharap sa Department of Justice (DOJ) ni Senator Joel Villanueva kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
Kanina nang isagawa ang preliminary investigation sa isang kasong malversation na may kaugnayan sa proyekto ng Wawao Builders at Topnotch.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, bukod pa ito sa reklamo laban sa kaniya kung saan siya naghain ng counter affidavit noong January 5.
Sabi ni Martinez, humiling si Villanueva ng dagdag na panahon para makapagsumite ng kontra salaysay sa isa pang kinakaharap na malversation.
Partikular na inirereklamo si Villanueva sa mga ghost flood control projects sa Bulacan kabilang sa Balagtas at Pandi.
Samantala, nilinaw ni Martinez na bagama’t maraming nakahaing reklamo sa kagawaran na may kaugnayan sa maanomalyang proyekto ay hindi naman sabay-sabay ang imbestigasyon at paglalabas ng resolusyon dito.










