
Naniniwala si Senator Joel Villanueva na posibleng harassment ang balak na paghiling ng Office of the Ombudsman kay Senate President Tito Sotto III na ipatupad ang dismissal order laban sa kanya noong 2016.
Ang dismissal order ay kaugnay sa kinaharap nitong kaso ng hindi tamang paggamit ng ₱10 million pork barrel noong siya pa ay kinatawan ng CIBAC Party-list.
Tanong ni Villanueva ay kung harassment ba ang ginagawa sa kanya ngayon.
Sa viber group kasama ang media ay naglabas si Villanueva ng bahagi ng desisyon ng Ombudsman noong July 31, 2019 kung saan naka-highlight dito na dismissed ang kasong malversation of public funds at falsification dahil sa kawalan ng probable cause laban sa kanya.
Naka-highlight din sa desisyon na pineke ang kanyang pirma.
Ibinahagi rin ng senador ang certification mula sa Sandiganbayan na nagsasaad na hindi siya akusado o defendant sa anumang kaso at certification mula sa Ombudsman na nagsasaad naman na wala siyang nakabinbin na kasong kriminal at administratibo.
Ang mga certifications ay may parehong petsa na September 10, 2025.
Nang matanong si Villanueva bakit ito kumuha ng certification, tugon ng mambabatas na-anticipate na niya ang posibleng harassment at fake news.









