Sen. JV Ejercito: Dagdag na sahod, dapat balanse sa pagitan ng employers at employees

Pinayuhan ni Senator JV Ejercito na kailangang maging balanse sa panig ng employer at empleyado ang itataas na sahod.

Sa gitna na rin ito ng isinusulong sa Senado na P150 across the board na dagdag sa sahod sa minimum wage.

Nilinaw naman ni Ejercito na suportado niya ang isinusulong ni Senate President Juan Miguel Zubiri na pagtaas sa sahod na dulot na rin ng inflationary issues o mabilis na pagtaas sa presyo ng mga bilihin.


Ayon kay Ejercito, nang dahil sa inflation ay iba na rin talaga ang presyo ngayon kung saan lahat ay sobrang taas na ang presyo mula sa bilihin, pagpapagawa ng bahay, matrikula at iba pa habang ang kinikita ng mga ordinaryong manggagawang Pilipino ay hindi naman sasapat.

Pero dahil sa lagay ng ekonomiya, mahalaga para sa senador na mabalanse kung ano ang kaya ng employers at ano ang maibibigay ng mga manggagawa para sa pagdedesisyon sa dagdag na sweldo.

Nauna rito ay tiniyak naman ni Zubiri na patuloy na isusulong ang P150 across the board na umento sa sahod sa buong bansa upang mabigyan ng disenteng pamumuhay ang mga manggagawa.

Facebook Comments