Sen. JV Ejercito, umapela sa lokal na pamahalaan ng San Juan na huwag idamay sa pulitika ang mga national monuments sa San Juan

Umapela si Senator JV Ejercito sa lokal na pamahalaan ng San Juan na huwag idamay sa pulitika ang mga national monuments.

Ang reaksyon ng senador ay kaugnay na rin sa pagtanggal ng estatwa ni Andres Bonifacio sa Pinaglabanan Street na isa umanong landmark sa lugar.

Ang naturang estatwa ni Bonifacio ay inilipat sa loob ng Pinaglabanan Shrine na kasama na ng estatwa ng mga bayaning sina Jose Rizal at Emilio Jacinto na natatakpan na ng mga puno at hindi na makita ng mga tao.


Iginiit ni Ejercito na itinayo sa naunang lokasyon ang estatwa para magsilbing landmark na makikita ng lahat lalo’t dito naganap ang unang rebolusyon noong 1896 na pinangunahan ni Bonifacio.

Pero sa inisyal naman na paliwanag ng lokal na pamahalaan ng San Juan, ito umano ay suhestyon ng National Historical Commission kung saan pagsasama-samahin ang tatlong estatwa sa loob ng dambana.

Para malaman ang totoo ay balak kausapin ni Ejercito ang NHC at kung sakaling ito ay utos nga ng komisyon, malaki aniya ang pagkukulang ng mga ito.

Dagdag pa ni Ejercito, hinahayaan na nga nila na alisin ng kasalukuyang liderato ng San Juan ang mga proyektong ginawa noong siya pa ay alkalde ng lungsod pero hirit ng senador, huwag naman sanang idamay ang mga national monuments na may malaking ambag sa pagiging malaya ng bansa.

Facebook Comments