Sen. Koko Pimentel kay PBBM: El Niño naman ang tutukan at huwag puro Maharlika

Nanawagan si Senate Minority Leader Koko Pimentel kay Pangulong Bongbong Marcos na isama sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) at iprayoridad ang long-term measures sa kakulangan sa suplay ng tubig at nagbabadyang banta na dulot ng El Niño.

Iginiit ni Pimentel sa pangulo na huwag naman puro Maharlika lang ang banggitin nito sa kanyang nalalapit na SONA sa July 24.

Binigyang diin ng senador ang agarang pangangailangan na matugunan ang krisis sa tubig at maibsan ang epekto ng El Niño sa bansa partikular ang agricultural productivity ng mga magsasaka na siyang pinakatatamaan ng El Niño.


Tinukoy pa ni Pimentel na ang masamang epekto ng El Niño ay umabot na hanggang sa iba’t ibang sektor ng ekonomiya gayundin sa mga negosyo, agrikultura, power generation, public health, natural resources at marami pang iba.

Kinwestyon ni Pimentel na March 2023 pa lamang ay inamin na ng pangulo ang bigat ng epekto ng krisis sa tubig kung saan sinabi ni PBBM na 11 milyong pamilya ang walang access sa malinis na tubig habang papalapit ang panahon ng tagtuyot at taginit.

Ang isyu aniya sa nagbabadyang kakulangan sa suplay ng tubig at El Niño phenomenon ay inanunsyo ng maaga pero tanong ni Pimentel kung ano na ang ginagawa rito ng gobyerno.

Maliban sa panawagan sa pangulo, umapela rin si Pimentel sa publiko na magtipid sa tubig at kuryente sa mga gaanitong panahon.

Facebook Comments