Pormal nang naghain ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) si Atty. Rico Quicho, sa pamamagitan ng electronic mail o letter-complaint laban kay Senator Koko Pimentel kaugnay ng paglabag nito Republic Act No. 11332 at implementing rules at regulations ng Department of Health (DOH) kaugnay ng pinaiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Alinsunod na rin ito ng letter-complaint references ng online change.org petition kung saan naka-kalap ang grupo ng 200,000 na lagda.
Ayon sa grupo, nilagay ni Pimentel sa matinding panganib ang buhay ng publiko lalo na ang health workers nang samahan nito kamakailan sa Makati Medical Center ang kanyang asawang nagdadalantao sa kabila nang alam niyang siya ay may COVID-19 symptoms at kalaunan ay umamin na siya ay positibo sa virus.
Iginiit ni Atty. Quicho na bilang isang abogado at advocate ng rule of law, hindi niya maaaring palagpasin ang paglabag ni Pimentel sa batas lalo na’t nalagay sa matinding peligro ang buhay ng taong bayan at ng health workers.
Umaasa naman si Atty. Quicho na aaksyunan ng DOJ ang kanyang reklamo at magiging patas ang DOJ sa gagawin nitong imbestigasyon.