
Duda si Senate President pro-tempore Ping Lacson sa timing ng pagharap kahapon ng 18 dating mga sundalo na umamin na naging tauhan ni dating Cong. Zaldy Co at naghatid ng male-maletang pera para kina dating House Speaker Martin Romualdez, Pangulong Bongbong Marcos at sa iba pang personalidad.
Hinala ni Lacson, mukhang may halong kulay politika at destabilization aspect ang paglantad kahapon ng mga dating militar.
Sa alegasyon pa ng mga dating sundalo, nagpabigay si Co ng $2 million kay dating Senator Antonio Trillanes IV para gastusin umano sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC).
Puna ng senador, kahapon ay timing na confirmation of charges hearing kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC at bisperas din ng anibersaryo ng EDSA People Power.
Bukod dito, very symbolic din na sa Club Filipino isinagawa ang press conference ng mga dating militar na pinagsimulan ng EDSA 1.
Sinabi pa ni Lacson na kailangan munang i-evaluate ang mga sinabi ng mga dating sundalo dahil para sa kanya ay tila imposible ang P805 billion na ipina-deliver ni Co sa mga politiko dahil ang halagang ito ay 70% na agad ng P1.1 trillion ng kabuuang flood control funds mula 2023 hanggang 2025.










