Sen. Lacson, handang imbestigahan ang kontrobersyal na pagbili ng PNP ng Mahindra patrol jeeps

Manila, Philippines – Bilang chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ay handa si Senator Panfilo Ping Lacson na magsagawa ng pagdinig sa kontrobersyal na pagbili ng Philippine National Police (PNP) ng Mahindra patrol vehicles na nagkakahalaga ng halos 1.9 billion pesos.

Buo ang suporta ni Lacson sa Senate Resolution Number 777 na inihain ni Senator Grace Poe na nagsusulong ng imbestigasyon sa report ng Commission on Audit o COA na karamihan sa mga biniling 2,054 units ng Mahindra patrol jeeps ay depektibo umano at wala ding spare parts at service centers dito sa Pilipinas.

Ayon kay Lacson, agad niyang ikakasa ang pagdinig sa oras na mai-refer sa komite niya ang resolusyon ni Senator Poe.


Diin ni Lacson, dapat magpaliwanag ang mga sangkot na opisyal ng PNP kung bakit itinuloy pa rin ang pagbili sa nabanggit na mga sasakyan noong 2015 sa kabila ng napakaraming isyu laban dito.

Maliban sa mga opisyal ng PNP ay ipapatawag din ni Lacson sa pagdinig sina dating Interior and Local Government Secretary Mar Roxas at dating Budget Secretary Florencio Butch Abad.

Facebook Comments