
Hindi iisponsoran ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Ping Lacson ang pag-alis sa tatlong senador na inirekomendang kasuhan sa lumabas na draft committee report ng inimbestigahang maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Lacson, hindi niya pangungunahan na tanggalin sa pinakakasuhan ang ilang senador na idinadawit sa ghost projects.
Kung mababatid, kabilang sa anim na pinakakasuhan sina Senator Jinggoy Estrada, Senator Joel Villanueva at Senator Chiz Escudero.
Aniya, kung may taker o may senador na magsusulong na ipatanggal ang tatlong kasamahan sa rekomendasyon ay ipauubaya niya rito.
Gayunman, naunang sinabi ni Lacson na paninindigan niya ang rekomendasyon sa partial committee report dahil ang mga ito ay sumasailalim na rin naman sa preliminary investigation at may kinakaharap na ring kaso.
Dagdag pa ng mambabatas, nakahanda na ang draft committee report at kung may dagdag na inputs ang mga kasamahan ay handang i-incorporate o isama sa report at oras na magkasundo at makakuha ng sapat na lagda, inaasahan ni Lacson na sa susunod na linggo ay maire-report niya na ito sa plenaryo.










