
Iniugnay ni Senate President pro-tempore Panfilo Lacson si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan kay Candaba, Pampanga Mayor Rene Maglanque na sinasabing contractor ng multi-billion na mga maanomalyang flood control projects sa lalawigan ng Bulacan.
Sa privilege speech ni Lacson, tinukoy niya si Maglanque na dating Presidente ng construction company na Globalcrete Builders na nakakuha ng P2.195 billion na flood control projects sa Bulacan mula 2018 hanggang 2024.
Si Maglanque rin aniya ang may-ari ng MBB Global Properties Corporation na nagmamay-ari din ng Wyndham Garden Hotel sa Clark, Pampanga na itinayo sa halagang P1 billion.
Binigyang-diin ni Lacson sa general information sheet ng MBB Global Properties Corporation noong 2024 na Presidente dito si Macy Monique Maglanque, Corporate Secretary si Sunshine Bernardo at Treasurer naman si Fatima Gay Bonoan-Dela Cruz.
Ipinunto ng senador na ang mga nabanggit ay anak nina Mayor Maglanque, DPWH Usec. Roberto Bernardo at dating Sec. Bonoan.
Dagdag pa ni Lacson, ang MBB sa pangalan ng kumpanya ay nangangahulugan ng Maglanque, Bernardo at Bonoan.
Dahil sa impormasyong nakuha ng mambabatas, hindi na siya magtataka kung bakit palaging sinasabi ni Bonoan noon na isolated case lang ang nakita ni Pangulong Bongbong Marcos na mga ghost projects dahil posibleng ayaw nito madamay sa imbestigasyon ang Globalcrete Builders na sangkot sa mga flood control projects.









