Sen. Legarda: Epekto ng El Niño sa bansa, dapat na seryosohin 

Iginiit ni Senate President pro tempore Loren Legarda na isang seryosong usapin ang El Niño phenomenon na nangangailangan ng agaran at tiyak na aksyon sa pamahalaan.

Aniya, mahalagang isaalang-alang sa mga hakbang na gagawin ang epekto sa weather patterns, agrikultura, water resources at sa ecosystem at ang maaaring consequence o negatibong maidudulot ng El Niño sa ating food security, ekonomiya at kapakanan ng lahat.

Hiniling ni Legarda sa gobyerno na magpatupad ng mga hakbang na makababawas sa epekto ng El Niño, ang pagkakaroon ng mga climate-resilient practices, pagtiyak sa pantay-pantay na alokasyon ng resources at paghimok sa ugnayan sa loob at labas ng bansa para sa pagtugon sa hamon ng phenomenon.


Pinaghahanda rin ng senadora ang pamahalaan at pribadong sektor na magtulungan para mabawasan ang panganib at negatibong epekto ng El Niño sa ating bansa at sa mga mamamayan.

Ipinapaprayoridad ng mambabatas ang pagtiyak ng sapat na suplay ng tubig at seguridad sa pagkain sa ating mga kababayan at pinaglalatag din ng adaptation program para mabawasan ang epekto ng panahon ng tagtuyot sa mga magsasaka at mangingisda.

Ayon kay Legarda, hindi natin mapipigilan ang El Niño pero maaari tayong umaksyon at magpatupad ng ‘whole-of-government approach’ para malagpasan ng bansa ang epekto ng panahon ng matinding tag-init at tagtuyot.

Facebook Comments