
Makikipag-usap muna si Senator Loren Legarda kay Senate President Tito Sotto III para linawin ang usapin tungkol sa Senate presidency.
Ito ay matapos kumpirmahin ni Senate President Tito Sotto III na planong iupong Senate President si Legarda bago matapos ang termino ng senadora sa 20th Congress.
Ayon kay Legarda, hindi niya pa alam ang tungkol sa planong italaga siya bilang unang babaeng Senate president kaya ayaw niya munang magkomento tungkol dito.
Sinabi ng senadora na tungkol naman sa Blue Ribbon Committee report ang kanilang napag-usapan kahapon sa lounge kasama ang ilang miyembro ng majority bloc.
Hindi naman sinagot ni Legarda ang tanong kung hinimok ba siya ng minority bloc na maging Senate president at kung ano ba ang napagkasunduan sa pagitan ng majority nang mag-resume ang session kahapon.
Nang matanong naman kung “solid” o matatag pa ang mayorya, tanging ngiti lamang ang naging tugon ni Legarda.










