Hinimok ni Senador Leila de Lima ang Department of Justice (DOJ) na muling pag-aralan ang mga drug cases laban sa kanya at agad na bawiin ang lahat ng kaso kung makukumpirma ang ginawang pagbaliktad ng testimonya ni dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief Rafael Ragos.
Sa isang liham na ipinadala ni De Lima kay DOJ Secretary Menardo Guevarra, binigyang-diin ng senador na dapat suriin ang mga kaso upang matukoy kung talagang ang mga ito ay iniimbestigahan ng Panel of Prosecutors.
Dapat din aniyang suriin ang ginawang trial by publicity laban sa kanya ni dating DOJ Secretary Vitaliano Aguirre at ang pagpilit sa mga kawani ng DOJ na amining nakatanggap sila ng pera at hinawakan ng mga ito ang mga bank account para sa kanyang kapakinabangan.
Bukod dito, inihayag din ng senador na binigyan ni Aguirre ng immunity ang mga bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) na tumestigo laban sa kanya, kahit na ang mga kriminal na nahatulan ay hindi kwalipikadong maging saksi ng estado.
Giit pa ni De Lima na haka-haka lamang ang sinasabi ni Aguirre na ang pagbawi ni Ragos ay may kinalaman sa pulitika.
Matatandaang binawi ni Ragos ang mga alegasyon laban kay de Lima noong Mayo 2, ilang araw matapos bawiin ng self-confessed drug dealer na si Kerwin Espinosa ang mga paratang na ginawa niya laban sa senador.