Ikinalungkot ni Re-electionist Senator Leila de Lima na mas pinili ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpatuloy ang operasyon ng online sabong dahil sa bilyong pisong kita ng gobyerno rito kaysa sa epekto ng sugal sa taong bayan.
Bilang isang social justice at human rights champion, Binigyang-diin ni De Lima na Hindi dapat ibinibida ng gobyerno ang malaking kita mula sa sugal at sa halip ay dapat ipinapaliwanag sa mga tao ang mga hindi magandang epekto ng sugal lalo na sa mga kabataan.
Una na ring hiniling ng Senado sa pangulo na pansamantalang suspindihin ang e-sabong habang nagpapatuloy ang imbestigasyon nito sa nawawalang higit 30-sabungero ngunit sinabi ni Pangulong Duterte sa kanyang talk of the nation na hindi niya sususpindehin ito dahil sa bilyong piso ang buwis na makukuha rito.
Pero punto ni De Lima, ang pagsasaligal ng sugal tulad ng e-sabong ay lalo lang nagpapalakas sa network ng mga jueteng lord at ang impluwensya nila sa pulitika.
Sinabi pa ni De Lima na bukod sa korapsyon, nakakaalarma rin ang mga krimen tulad ng prostitution, human trafficking, drugs, money laundering at kidnapping o serious illegal detention at posibleng patayan dulot ng e-sabong
Aniya, Hindi kailanman matutumbasan ng ipinagmamalaking kita ng gobyerno ang masisirang kinabukasan, lalo na ng kabataan.