MANILA, PHILIPPINES – Imbes na kriminal ang ikulong, sila na ang pilit na pinawawalang sala ngayon.
Ito ang binigyan diin ni Sen. Leila De Lima sa isinagawang press conference sa senado kaugnay sa pagsasampa sa kanyang ng kaso ng Duterte Administrasyon sa pagkakadawit umano sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison.
Binatikos ni De Lima si Pangulong Rodrigo Duterte kung saan sinabi nito na ang pangulong galit sa droga ay siya ngayong nag-aalaga at nag-aabswelto sa mga drug lords upang idiin lamang siya.
Pinuna din ng senadora ang naging hakbang ni Solicitor General Jose Calida na ipawalang sala ang Reyna ng PDAF na si Janet Lim Napoles habang tinawag naman nito na abusadong opisyal si Justice Sec. Vitaliano Aguirre.
Tinawag din ni De Lima si Pangulong Duterte na isang “serial killer-mass murderer” matapos na lumantad kahapon ang dating team leader ng Davao Death Squad na si dating SPO3 Arthur Lascañas at idiin ang pangulo.
Samantala, iginiit ng senadora na hindi siya maaaring arestuhin sa ngayon lalo pat kailangan na magsagawa ng mga pagdanig upang alamin kung may probable cause ang mga isinampang kaso laban sa kanya bago siya arestuhin.