MANILA, PHILIPPINES – Kusang loob na sumama sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group si Sen. Leila De Lima matapos magpalabas ng warrant of arrest ang Muntinlupa Regional Trial Court hinggil sa drug charges laban sa kanya.
Pasado alas-8:00 kaninang umaga nang bumaba ng kanyang opisina sa senado si De Lima kasama ang senate sergeant at arms at sumuko sa pulisya.
Ayon kay De Lima – umaasa siya na lalabas ang katotohanan at makakamit niya ang hustisya.
Iginiit din ni De Lima na karangalan niya na makulong dahil patuloy siyang lalaban sa panggigipit at paniniil ng rehimeng Duterte.
Pagkalabas ng senado ay isinakay si De Lima sa coaster ng PNP at idineretso sa Camp Crame.
Pagdating sa Crame – agad na isinailalim ito sa booking process, medical check-up at maayos naman ang kondisyon nito.
Sinamahan si De Lima ni Dinagat Islands Lone District Rep. Kaka Bag-Ao at ni Sen. Kiko Pangilinan.
Pasado alas 10:00 naman ng umaga nang muling isakay sa coaster si De Lima para dalhin sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) para sa return ng warrant.