Manila, Philippines – Personal na humarap si Sen. Leila De Lima sa Muntinlupa Regional Trial Court kaugnay sa kinakaharap nitong drug related cases.
Dumating ang convoy ni De Lima, pasado alas 8:30 ng umaga at umalis din agad matapos halos isang oras.
Dininig ni Muntinlupa RTC branch 205 judge Amelia Fabros-Corpuz ang inihain ng kampo ng senador na motion for reconsideration with motion to recall warrant of arrest at motion to defer arraignment.
Una nang nag-palabas ng warrant of arrest si Fabros-Corpuz Laban kay De Lima dahil sa umano’y papel nito sa pagkalat ng iligal na droga sa New Bilibid Prisons at pagtanggap ng drug money mula sa mga drug lords.
Binigyan din ng korte ang prosekusyon ng 10-araw para isumite ang kanilang komento laban sa mosyon ni De Lima.
Itinakda ang arraignment sa kaso ng senadora sa august 18, 2017.
Samantala, kasabay ang pagharap ni De Lima sa Muntinlupa RTC branch 205, nagtipon-tipon din ang mga taga-suporta nito.
Nagsagawa sila ng maiklang programa habang may mga hawak na placards na may nakasulat na “Free Leila, Laban Leila”.